Simula noong ako ay nasa ika-anim na baitang, hilig ko na ang pagsusulat. Lagi akong gumuguhit at nagsusulat ng mga kung anu-ano sa aking papel. Dahil dito, nakabuo ako ng isang maikling kwento na hindi ko akalaing mapipili at magiging "feature" sa pahayagan ng aming paaralan. Hindi ko naman masasabi na ako'y isang magaling na manunulat, dahil hindi naman talaga. Gusto ko lang talaga magsulat dahil nasasabi ko ang aking mga saloobin sa pamamagitan nito. At ito na rin ang aking pampalipas oras lalo na kung wala akong magawa sa bahay, sa dormitoryo, at pati na rin sa paaralan.
May pangarap akong maging isang manunulat. Oo, totoo 'yan. Pangarap kong makasulat ng mga magagandang sulatin, tula, nobela, at kahit na mga awitin (pagsulat pa rin naman un diba?). Minsan sumagi na rin sa aking isipan ang magsulat ng mga artikulo sa dyaryo (youth section). Ito, sa aking palagay, ay mataas na pangarap na nais kong makamit sa pagdating ng takdang panahon. Humahanga ako sa mga taong magagaling magsulat, at dahil sa kanila nagkaroon ako ng pangarap na maging manunulat. Saludo ako sa kanila. Sana ako'y maging katulad nila. Magsisikap ako ng mabuti upang maabot ko ang pangarap kong ito.
Kaya bilang isang pasasalamat sa mga magagaling na manunulat, inihahandog ko sa inyo ang aking ika-isang-daang blog entry. Isang patunay na ako'y natutuwa sa patuloy na pagbibigay niyo ng inspirasyon at aral sa milyong-milyong mga tao, at isa na ako sa kanila. Muli, maraming-maraming salamat po!
*Salamat din pala sa mga bagay, mga tao, at kahit na mga pangyayari na mahalaga sa aking buhay na nagbibigay sa akin ng inspirasyon upang magsulat.*