Ilang araw at tulog nalang, pasukan na nanaman. Unti-unti nang naglalabasan ang mga aklat, kwaderno, bolpen, lapis, at ang iba pang mga kagamitan sa paaralan. Kay bilis talaga ng panahon. At sa bawat takbo ng oras, sumasabay tayo dito upang hindi mapag-iwanan.
Sa darating na pasukan, makikita natin muli ang ating mga matalik na kaibigan sa eskwela, mga bagong kamag-aral, at ang mga pinakamamahal nating mga guro. Hindi magiging kumpleto ang unang araw na ito kung wala rin ang mga kwento tungkol sa mga pangyayari noong nagdaang bakasyon. Hindi rin mawawala ang mga kaakibat ng ating mga guro o propesor sa buong taon. Muli nating salubungin ang mga sanhi ng ating pagpupuyat, pagsusunog ng kilay, at mga naglalakihang mga bag sa ating mga mata. Sila ang mga asignatura, mga gawaing pang-upuan, mga mahabang babasahin, mga proyekto, at mga pagsusulit. Mabuhay kayo!
Sa pagdating ng araw na ito, magkakaroon ulit tayo ng panibagong chapter sa ating kwento--- ang kwento ng ating buhay. Makakaranas muli tayo ng mga kakaibang pagsubok na hahamon sa ating kakayahan, abilidad, at tiwala sa sarili. Ngunit sa kabila ng lahat ng mga pagsubok na ito, lagi nating tatandaan na nandyan ang ating pamilya at mga kaibigan na handang tumulong at sumuporta sa atin, lalo na sa oras ng pangangailangan. Hindi nila tayo iiwanan. Hindi tayo nag-iisa. May karamay tayo.
Hindi ko masasabi na handa na ako dahil ayon sa puso at isip ko, hindi pa. Ngunit, ipininapangako ko sa sarili ko na mas pagbubutihin ko pa ngayon dahil nais kong makamit ang aking mga pangarap. Kaya kaibigan, ikaw, handa ka na ba?