Monday, April 14, 2008

Isang Pagbabalik

Kanina, tinawag ako ng aking tiya at may ipinakita siya sa akin. Akala ko, kung ano ang ipapakita niya dahil nakakagulat ang tono ng kanyang boses. Nang ako ay lumapit sa kanya na nagtataka, nagulat ako ng ipinakita niya sa akin ang larawan namin ng aking pinsan sa pamangkin. Tila isang tiyap na pagkakataon dahil naisip ko rin ang pinsan sa pamangkin kong ito kamakailan lamang. Nakakalungkot isipin na hindi ko na siya nakikita at nakaka-usap. Sa tuwing ako ay magpaparamdam sa kanya sa Friendster, nangangamusta, di man lamang siya sumasagot. Kahit nandito lang siya sa Pilipinas, wala na akong balita tungkol sa kanya. Ano na kaya ang nangyayari sa kanya?

Dahil dito, nagsimula na akong magbabalik tanaw sa nakaraan. Naisip ko lang na wala naman masama kung babalikan ko ito. Nakakatuwa at nakakalungkot balikan ang mga pangyayari noong nakalipas dahil sila ay nagdulot sa akin ng masasayang ala-ala. Ngunit, sa kabilang banda, ito rin ay nakakalungkot dahil hindi ko na maibabalik ang mga panahong ito. Hindi ko na sila maaring ibalik…kung pwede lang, ginawa ko na. Pero hindi. Imposible.

Masayang balikan ang nakaraan lalo na kung ang mga ito’y nagbigay ng masasayang ala-ala. Nawawala kahit sandali ang mga bagay na bumabagabag sa ating isipan at nagkakaroon tayo ng inspirasyon upang maging masaya. At, wag din nating kalimutan magpasalamat sa Kanya dahil binigyan niya tayo ng mga ito, na kahit kailan, hinding-hindi natin malilimutan sapagkat sila ay mananatili sa ating mga puso at isipan.

Magandang gabi sa inyong lahat! =)