Friday, November 17, 2006

Tulad ng Isang Makata

Ang nakalipas na linggong ito ay nagdulot sa akin ng lungkot at saya. Maraming mga pangyayari ang nangyari na hindi ko inaasahan. Ayon nga sa aking kamag- aral na si Jalvin, na siya ring aking katabi sa upuan, napapansin nya na ako ay laging wala sa sarili. Kahit ako man, hindi ko maipaliwanag kung bakit ako nagkakaganito. Marahil, ako ay kinakabahan sa paglabas ng aking mga grado dahil sa aking pakiramdam, ako ay bumaba at nag- iisip ng kung anu- ano pa.

Noong Miyerkules, nagpalit na kami ng upuan sa silid aralan. Bago ako ay lumipat, ako ay nasa ikalawang hanay na malapit sa pisara. Nagpaalam na ako sa bintana na naging bahagi rin ng aking unang semester dahil naging katabi ko siya. Dahil sa bintanang yoon, natutunan ko na bigyang halaga ang kalikasan at ang buong paligid. Totoo na nabigyan ko ng halaga ang kalikasan dahil sa tuwing ako ay inaantok sa klase o sa tuwing sumasakit ang aking mga mata dahil sa tindi ng sikat ng araw, tumitingin lamang ako sa bundok at sa mga puno. Totoo rin pala na ang kulay luntian ay nakakabuti sa pakiramdam. Nagpaalam din ako sa aking mga kamag- aral na nasa aking paligid tulad nila Kay, Mikee, Mica at Kristine. Nakakalungkot ngunit kailangang tanggapin. Ngayong ikalawang semester, ako ay nasa ika-apat na hanay, sa may gitna. Hindi ko na katabi ang bintana. Katabi ko na ngayon ang pintuan at katabi ko pa rin ang kamag- aral kong si Jalvin. Wow! Sabi nga nina Mau, "Solid!". Totoo nga naman dahil kahit saan, lagi kaming magkatabi--- sa linya, sa tuwing may misa o pananghalian at siyempre, sa silid aralan.

Kanina rin, nakita ko na ang aking mga grado. Ako ay kinabahan dahil ang tagal ng aking tiya sa loob ng aming silid aralan. Ang tagal ng pag- uusap nila ng aming guro. Hindi ako mapakali sa labas habang naghihintay sa kanya. Marami na rin ang dumaan sa aking harapan tulad nina Sr. Regina, ang aming "directress" at ilang mga magulang ng aking mga kamag- aral at ng iba pang mag- aaral sa mataas na paaralan. Lumuwag ang aking pakiramdam nang siya ay lumabas. Natakot ako dahil mukha siyang malungkot. Sinabi ko sa sarili ko na, "Dana, hala, lagot, maghanda ka na. Bumaba nga talaga siguro ang iyong mga grado." Tapos nang tumingin siya sa akin, ipinakita ang aking card at bigla siyang tumawa. Ang aking tiya talaga. Ako ay nakapasa! Mabuhay!

(Masaya rin pala ang aming klase sa Pisika noong Miyerkules. Hahaha. Natutuwa ako. Kaya lang, hindi ako gaanong nabasa. Hahaha.)
***
Ako ay nagpapasalamat sa mga sumusunod:
God
Aking pamilya at mga kapamilya
Mga Guro
Mga Kamag- aral
Matalik na mga Kaibigan
Kaibigan
At sa mga taong hindi ko nabanggit, salamat ng marami!
God Bless You!!!
Espesyal na pasasalamat din kay Jalvin Corrales...dahil sa tulong, pagtitiyaga at pagpapasensya niya, tumaas ako sa accounting... =)

1 comment:

j said...

Walang anuman! Masaya ako at ako ay nakatulong sa iyo.