Disyembre na. Lumalamig nanaman ang simoy ng hangin. Nagkalat ang mga makukulay na ilaw at mga parol sa bawat tahanan. Dumarami ang mga nagtitinda ng bibingka at puto- bumbong. Ang mga tao ay nagdadagsahan sa mga malls upang mamili ng mga pangregalo sa kanilang mga kamag-anak at mga mahal sa buhay. Maririnig sa bawat radyo at telebisyon ang mga kantang Pamasko. Ang mga bata ay kumakatok sa mga bahay-bahay upang mag karoling. Sa pagsapit ng Disyembre 15 at 16, mapupuno ang mga simbahan ng mga tao dahil mag-uumpisa na muli ang simbang gabi. Unti-unti nang nararamdaman ang diwa ng Pasko sa paligid. Ilang tulog nalang, Pasko na.
Ang Pasko ay isa sa mga araw na aking kinasasabikan. Tuwing Pasko, ang aming pamilya ay nabubuo at ang aming mga tiyo, tiya at mga pinsan na nasa malayo ay umuuwi ng Pilipinas upang magdiwang ng Pasko rito. Kami ay nabibigyan ng pagkakataon na magkasama-sama muli. Masaya ang Pasko rito, tama ba?
Ngunit, ang diwa ng Pasko ay hindi lamang makikita sa mga regalo, mga pagkaing masasarap tulad ng lechon at leche flan. Lagi nating paka tandaan na ang Pasko ay ang panahon ng pagpapatawad, pagbibigayan at pagmamahalan. Ito rin ang araw na si Hesus ay isinilang ni Maria. Kung hindi dahil sa kanya, wala ang Pasko. Dapat tayong magpasalamat sa lahat ng mga biyayang natatanggap natin sa araw-araw. Huwag nating iisipin na hindi tayo mahal ng Diyos dahil mahal na mahal niya tayo.
*Tayo ay magpasalamat din dahil hindi tayo dinaanan ng bagyong Reming. Ngunit, ating ipagdasal ang mga nasalanta at naapektuhan ng bagyo.